KALIBO, Aklan —- Telang piña ng Aklan ang pangunahing materyales na ginagamit sa isinuot na gown ni First Lady Atty. Louise “Liza” Araneta-Marcos sa isinagawang inagurasyon noong Huwebes ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ang gown ay gawa ng isang Aklanon at sikat na international fashion designer na si Lesley Mobo.
Si Araneta-Marcos ay naging icon ng Aklan fashion at heritage matapos isuot ang gown na gawa sa vintage Piña ng mga maghahabi ng lalawigan habang ang mano-manong embroidery ay gawa ng mga artisans ng Batangas.
Ang “Haboe Piña” o Piña weaving ay isang sinaunang tradisyon at industriya sa Aklan na isinalin sa mga susunod na henerasyon kung saan itinutulak ito ngayon na mapabilang sa talaan ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).
Hinahango ang fiber mula sa mga dahon ng katutubong pinya, itinatali sa pamamagitan ng kamay ang mga hibla at manu-manong hinahabi hanggang maging tela na malambot at makinis.










