Sumiklab ang sunog sa isang ospital sa hilagang-silangang Pennsylvania na naging sanhi ng paglikas ng mga pasyente at nagdulot ng makapal na usok sa papawirin.
Ang apoy sa Lehigh Valley Hospital sa Dickson City ay nag-alerto sa mga bumbero o Fire Department bandang alas-9:40 ng gabi. Nagdulot ito ng malawakang emergency response mula sa mga emergency medical crew sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Sa isang video ng isang nakasaksi, makikita ang usok na pumapaibabaw sa pasukan ng ospital habang ang mga bumbero na lulan ng mga ladder truck ay nagsisikap na apulahin ang apoy.
Nagsimula ang apoy sa isang lumang medical building, na kilala bilang “Scranton Orthopedics”, at paglilinaw ng mga opisyal, hindi ito nagsimula sa loob mismo ng nakadugtong na main hospital building.
Sa kabuuan, inilikas ang mahigit 70 pasyente patungo sa iba’t ibang ospital sa lugar. Isang bumbero naman ang agarang dinala sa ibang ospital matapos itong makaranas ng pananakit ng dibdib.
Patuloy ang imbestigasyon ng Pennsylvania State Police Fire Marshal Unit sa sanhi ng sunog. Itinuturing naman na “total loss” ang Orthopedic unit, ayon sa Fire Department. Wala namang iniulat na nasaktan sa insidente.
















