CENTRAL MINDANAO- Sugatan ang isang sundalo nang pasabugan ang isang pampasaherong bus sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang biktima na si Sergeant (Sgt) Jester Cagaitan na nakatalaga sa 6th Infantry (Kampilan) Division Philippine Army.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Arnold Santiago na habang binabaybay ng isang unit ng Husky Bus ang Maguindanao-Sultan Kudarat Highway mula sa General Santos City patungo sa lungsod ng Cotabato ngunit pagsapit ng bus sa Brgy Iginagampong Datu Unsay Maguindanao ay bigla itong pinaputukan ng M203 grenade launchers ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan.
Tinamaan sa gilid ang bus at nagawa pa ng driver na ito ay patakbuhin patungo sa Municipal Police Station (MPS) ng Datu Saudi Ampatuan Maguindanao at himingi ng saklolo sa mga pulis.
Tinamaan sa kanyang balikat at paa ang sundalo na agad dinala sa pagamutan.
Marami ang naniniwala na posibling kagagawan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang pagpapasabog sa Husky Bus.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Datu Unsay PNP sa naturang pangyayari.
















