BUTUAN CITY – Nasa kustodiya na ng pulisya ang isang commanding officer ng New People’s Army (NPA) sa ilalim ng Platoon 1, Sagrado de Grabidad, Southern Regional Command, matapos itong arestuhin sa ospital sa Tagum City, Davao del Norte kahapon.
Ayon kay Police Regional Office (PRO)-13 director Brigadier General Joselito Esquivel, Jr., hinuli si Joel Delahilba, alyas Kid/Viray/Noel Dadang, 32-anyos NA residente ng Brgy. Unaban, Tago, Surigao del Sur, habang ito ay nagpapagamot sa Davao Regional Medical Center.
Naisilb ang warrant of arrest pasado ala-1:30 ng hapon sa mga operatiba ng PRO-13, 9th Special Forces Company, Philippine Army, at Tagum City Police Station.
Ipinalabas ito ni Judge Lilibeth Ladaga, presiding judge ng Regional Trial Court Branch 28, 11th Judicial Region sa kasong frustrated murder na may piyansang aabot sa P200,000 at attempted murder na may piyansang P120,000 para sa pansamantalang kalayaan.
Ang suspek ay ang isa sa dalawang pasyenteng ibiniyahe ng tatlong ambulansya ng International Committee of the Red Cross galing Surigao del Sur patungong Tagum City dahil may sugat ito sa kaliwang bahagi ng tiyan.
Ito’y mula sa bakbakan sa Andap Valley complex sa bayan ng San Miguel, Surigao del Sur.