Kinumpirma ni Sugar Regulatory Administration board member Pablo Luis Azcona na nagbitiw na sa kaniyang tungkulin bilang chief ng Sugar Regulatory Administration si David Thaddeus Alba.
Sa gitna ito ng kontrobersya na pag-aangkat ng 400,000 metric tons ng asukal sa bansa.
Ayon kay Azcona, batay sa kanilang mga napagpulungan sa kanilang regular board meeting ay nagsumite si Alba ng kaniyang resignation nang dahil sa kaniyang suliraning pangkalusugan.
Aniya, sa ngayon ay hindi pa sila personal na nakakapag-usap ngunit sa pagkakaalam niya ay naaktuhan na ang pagbibitiw nito ngunit hindi pa niya natitiyak kung ito ay naaksyunan na dahil hindi pa aniya nila alam kung ito ba ay tinanggap na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, bukod dito ay sinabi rin ng opisyal na ipinasa na ang isang board resolution na nagpapahintulot sa tatlong deputy administrators na mag-assume sa iba’t-ibang duties at functions ng isang administrator.