-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Suffocation o kawalan ng hininga ang itinuturong dahilan ng pagkamatay ni Cadet 4th Class Mario Telan Jr. ng Philippine Military Academy (PMA).

Batay ito sa resulta ng autopsy report sa bangkay ng kadete na nalunod habang nasa gitna ng training sa loob ng akademiya.

Pinag-aaralan na ngayon ng Baguio City Police ang anggulong pagpapabaya ng swimming instructors dahil tila walang naipatupad na safety protocols sa gitna ng klase.

Iniimbestigahan na rin ng pulisya kung may pananagutan ang mga kaklase ni Telan.

Una ng sinabi ni police Col. Allen Rae Co, director ng Baguio PNP, na wala silang nakikitang foul play sa insidente, batay na rin sa kuha ng mga CCTV sa lugar.

Ganito rin ang iginiit ni PMA Public Information Officer Capt. Cheryl Tindog.

Sa ngayon natanggap na raw ng akademiya ang mga affidavit ng instructors ni Telan at iba pang personnel.

Nilinaw ni Tindog na mayroong sinusunod na standard procedures sa swimming class ng mga kadete.