Inaprubahan na ng House Committee on Energy ngayong umaga ang kasalukuyang “unumbered” substitute bill pa na mag-aamyenda sa Oil Deregulation Law.
Nakasaad sa ilalim naturang substitute bill na magkaroon ng seguridad sa supply ng langis sa bansa, oobligahin ang lahat ng mga refiner, importers at bulk distributors, na panatilihin ang pagkakaroon ng minimum inventory reqruirement (MIR) sa mga produktong petrolyo na sasapat sa 30 available days’ supply.
Ang DOE (Department of Energy) ay aatasan namang mahigpit na bantayan ang isusumiteng MIR compliance report kada linggo.
Kaugnay nito, oobligahin ang lahat ng Downstream Oil Industry (DOI) participants na magsumite taon-taon ng kanilang development plan na gagamiting isa sa mga component ng Philippine Enery Plan.
Para naman matiyak ang pagkakaroon ng transparency, hindi na magiging sakop pa ng Trade Secret Confidentiality ang volume ng sales at required inventory requirements ng lahat ng DOI participants.
Pinasusumite rin sila sa DOE ng kanilang indicative retail prices.
Nakasaad din sa substitute bill ang pagtatag ng isang task force sa DOE, na siyang aatasan sa pagtukoy sa loob ng 30 araw ng merits ng reports na kanilang matatanggap hinggil sa “unreasonable rise” sa presyo ng mga produktong petrolyo, na maari ring isumbong sa Philippine Competition Commission.
Ang sinomang hindi susunod sa itinatakda ng substitute bill na ito ay papatawan ng P50,000 hanggang P300,000 na multa, bukod pa sa suspension o revocation ng DOE acknowledgement o registration.
Maaari ring maharap sa tatlo hanggang isang taong pagkakabilanggo ang DOI participant na mapapatunayang laban sa overpricing.