Hinimok ni Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ang pamahalaan na maglunsad ng subsidy at loan programs para sa mga guro at iba pang school personnel sa mga pampubliko at pribadong paaralan.
Idinidirekta ni Gonzales sa Department of Education (DepEd), Department of Labor and Employment, Department of Budget and Management, Department of Finance, Commission on Higher Education, Department of Social Welfare and Development, Technical Education and Skills Development Authority, at National Economic and Development Authority ang apela niyang ito na nakapaloob sa inihain niyang House Resolution No. 905.
Iginiit ni Gonzales na may posibilidad na hindi magbubukas ang pasok sa eskuwela hangga’t sa walang bakuna sa COVID-19 katulad nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan para maiwasan na rin ang pagkalat pa lalo ng naturang nakakamatay na sakit.
Kaya naman malaki aniya ang epekto nito sa employment at income ng mga guro at maging ng mga non-teaching staff, lalong-lalo na iyong mga nagtatrabaho sa mga pribadong paaralan.
Bahala na aniya ang mga ahensya ng pamahalaan sa detalye ng ibibigay na subsidiya o sa pautang sa mga school workers, basta tiyakin lamang na mababa ang interest na ipapataw dito.
Nauna nang inirekominda ni Gonzales na huwag na munang ituloy ang pagbubukas ng pasok sa eskuwela sa darating na Agosto dahil sa hindi pa naman available ang COVID-19 vaccine.