-- Advertisements --
bantag

Kinumpirma ngayon ni Senior Assistant State Prosecutor Charlie Guhit na ipinadala na sa pinakahuling address ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag ang subpoena nito kaugnay ng pagkamatay ng broadcaster na si Percy Lapid.

Pero sa kanilang natanggap na impormasyon ay hindi na naninirahan si Bantag sa address nito sa Caloocan simula nang maupo bilang hepe ng Bureau of Corrections.

Una rito, sinabi ng abogado ni Bantag na si Atty. Rocky Balisong na handa nilang tanggapin sa lungsod ng Baguio ang naturang subpoena.

Pero paliwanag ni Guhit na hindi nila alam kung saan nakatira ngayon sa Baguio si Bantag at base aniya sa kanilang record ay ibinigay lang ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang last known address nito sa Caloocan.

Paglilinaw ni Guhit, dapat ipaalam ng NBI at PNP sa panel of presecutors sa pamamagitan ng manifestation o appropriate pleading hinggil sa bagong address ni Bantag bago sila gumawa ng aksiyon.

Kung maalala, nasampahan ng reklamong pagpatay sina Bantag, BuCor Senior Superintendent Ricardo Zulueta at iba pang personalidad dahil na rin sa pagkamatay ni Lapid.

Kasama rin sa reklamong pagpatay ang ilang personalidad dahil sa pagkamatay ng umano’y middleman sa pagpatay kay Lapid na si New Bilibid Prison inmate Cristito Villamor Palaña o Jun Villamor.

Kahapon nang sabihin ni Prosecutor General Benedicto Malcontento, na itinakda ang hearing sa Nobyembre 23 dakong alas-9:00 ng umaga at ang susunod na hearing naman ay sa December 5 dakong ala-1:00 ng hapon.

Sinabi naman ni Justice spokesperson Mico Clavano na nasa 11 respondents pa ang nakatandang padalhan ng subpoena.