-- Advertisements --

Hindi magbabago ang posisyon ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa pagpapatupad ng COVID-19 quarantine protocols.

Ito ang paninindigan ng PNP kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ang mga pasaway na makikitang hindi nagsusuot ng facemask, face shield at laging nagkukumpulan.

Ayon kay PNP chief Gen. Debold Sinas, sapat na ang mga panuntunang itinakda ng Inter Agency Task Force o IATF para maiwasan ang pagkalat ng virus.

Maliban sa ginagawang pagpapatupad ng mga alagad ng batas sa mga panuntunan ng  pamahalaan, napakahalaga rin aniya ang pagkakaroon ng disiplina sa sarili ng bawat Pilipino bilang pag-iingat.

Naniniwala si Sinas na ang pagtutulungan ng gubyerno at taumbayan ang siyang susi para mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na virus.

“As a procedure, all persons cited for such violation of local ordinances and other laws shall be subject to investigation and booking purposes,” wika ni Sinas.

Paliwanag ni Sinas, kung ang isang indibidwal na nahuli na lumabag sa minimum health protocol at mayroong outstanding warrant of arrest tiyak makukulong ito.

Dagdag pa ni Sinas kung ang ginawang paglabag ng isang indibidwal ay kailangan isailalim sa inquest proceedings ay gagawin ito ng PNP.

Sa kabilang dako, ayon naman kay PNP spokesperson, Brig. Gen. Ronaldo Olay na ilan sa mga local ordinances ay may reprimand para sa first offense habang ang iba ay pinagmumulta lamang o makulong.