Binigyang diin ng isang infectious diseases expert na kahit pinalawak pa ang expanded testing sa COVID-19 ay dapat manatiling mahigpit ang pagpapatupad sa mga stratehiya laban sa pagkalat ng sakit.

Ayon kay Dr. Benjamin Co, na isa ring clinical pharmacology expert, nasa 7.2-percent ang positivity rate ng Pilipinas sa COVID-19. Mababa raw ito mula sa 10-percent na benchmark ng World Health Organization.

Paliwanag ng eksperto, magandang indikasyon ang numero dahil sinasalamin nito ang porsyento mula sa kabuuang populasyon na nai-test na at nag-positibo sa sakit.

“There is a limit wherein yung value ng test maa-affect yung resources, yung kapasidad ng bansa. There is a certain number we can do, but as of now, we are testing enough.”

“Sa mga bansa na gumagawa ng extensive tests, na less than 12 percent of their tests are positive, are doing fine. Sa datos natin, 7.2 percent lang ang positivity rate natin sa mga tests.”

Paalala ni Dr. Co, dapat manatili ang agresibong contact tracing, isolation, treatment at pag-aalaga sa mga pasyente ng COVID-19 para mapantayan nito ang kabuuang approach laban sa pagkalat ng COVID-19.

Naniniwala ang eksperto na patuloy na bababa ang kasulukuyang 4.8-percent mortality rate o porsyento ng mga namamatay kapag mas lumawak pa ang expanded testing.

Binigyang diin naman ni Dr. Anna Ong-Lim, isa ring infectious diseases expert, ang pagkakaiba ng positivity rate sa infectivity rate.

“Hindi naman lahat nang na-positive, ay ibig sabihin nakakahawa na,” ayon sa eksperto.

Paliwanag ni Dr. Ong-Lim, maaaring mag-positibo pa rin sa RT-PCR test ang mga gumaling nang COVID-19 patient dahil sa pagiging sensitibo ng test.

Kahit daw kasi katiting na latak na virus ay kaya pa ring ma-detect ng test kit. Pero hindi umano ibig sabihin nito na makakahawa pa rin ang pasyenteng gumaling na.