LEGAZPI CITY – Lumobo na sa higit 8, 000 katao ang naantala ang biyahe sa mga pantalan sa lalawigan ng Sorsogon, ilang oras lamang ang lumipas matapos magtaas ng storm warning signal dahil sa Bagyong Ursula.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Legazpi News Team sa Coast Guard Station sa Sorsogon, napag-alamang umakyat sa 8, 231 katao ang kabuuang bilang ng mga pinigilang bumiyahe.
Mula ang tala sa mga pantalan ng Bulan, Pilar at Matnog na may pinakamalaking volume ng stranded passengers na umabot ng higit 7, 900 pasahero.
Pila-pila na rin ang mga stranded rolling cargoes na sa pinakahuling tala ay umabot na sa higit 1,000 habang may tatlong motorbanca at barko rin ang naantala ang biyahe.
Sa kabilang dako, pinalilikas na ang 140 pamilya subalit forced evacuation ang ipapatupad sa higit 20 sa nabanggit na bilang sa Brgy. Burabod, Libon, Albay dahil sa pinangangambahang patuloy na pagguho ng lupa sa residential area at paaralan na malapit sa isang creek.
Sa ekslusibong panayam kay Libon MDRRMO head Ian Secillano, nitong Disyembre 20 lamang dalawang landslides ang naitala sa lugar habang nakataas na rin ang Tropical Cyclone Wind Signal Number 1 sa lahat ng lalawigan sa Bicol.
Dahil sa inaasahang bagsak ng ulan, magiging mapanganib para sa mga residente ang pananatili rito kaya’t isasagawa ang paglikas sa mga ito.