
Umaasa ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na sa mga susunod na araw ay mapapauwi na rin lahat ang mga overseas Fililipino workers (OFWs) na stranded ngayon dito sa Metro Manila.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, sa ngayon nasa 3,000 pang mga OFWs ang nananatili sa 60 hotels sa Metro Manila ang naghihintay na makauwi.
Aniya ang mga OFWs ay sumalang na sa swab test at sa loob ng tatlong araw ay malalaman na nila ang resulta nito.
Kapag negatibo ang resulta ng swab test ay agad nilang ipo-proseso ang pagpapauwi sa mga ito sa kani-kanilang mga probinsiya sa pamamagitan ng pagsakay nila sa mga bus na nasa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Ang mga magpo-positibo naman sa swab test ay agad nilang dadalhin sa mga Coronavirus disease 2019 (COVID-19) facilities.
Kahapon nasa 1,000 daw na OFWs ang napauwi ng OWWA matapos matanggap ang resulta ng kanilang swab test.
Samantala, base raw sa datos mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) aabot pa sa 20,000 Pinoy overseas workers ang dadating dito sa Pilipinas na apektado ng covid pandemic sa ibang bansa ngayong Hunyo hanggang sa buwan ng Hulyo.















