-- Advertisements --

SAN FRANCISCO/LONDON – Isinara ng social media giant na Facebook ang isang pro-Trump group dahil sa pag-oorganisa raw nito ng protesta laban sa isinasagawang vote-counting para sa US Presidential elections.

Ayon sa Facebook, lumobo agad sa higit 300,000 ang members ng grupong “Stop the Steal” kahit isang araw pa lang ginawa ang page nito.

Ikinabahala ng kompanya ang mga posts sa loob ng group na naglalaman ng mga pahayag tungkol sa karahasan. May mga miyembro rin daw ang grupo na nagsabing hindi imposible na mauwi sa civil war ang sitwasyon kung hindi si President Donald Trump ang mananalo bilang pangulo.

Pinagpa-planuhan na rin umano ng ilang miyembro ang pagpapatalsik sa bagong pamahalaan.

Batay sa report ng pahayagang The Washington Post, nananawagan pa ang “Stop the Steal” ng donasyon para makapagpadala ng supporters sa Georgia at Pennsylvania.

Sa isang report, sinasabing ang conservative non-profit group na Women for America First ang nanguna sa pagbuo ng naturang Facebook group. Nais daw kasi nila na protektahan ang integridad ng mga boto.

“Democrats are scheming to disenfranchise and nullify Republican votes. It’s up to us, the American People, to fight and to put a stop to it,” nakasaad sa group description.

Kabilang daw sa mga administrators ng grupo ay ang beteraong Tea Party activist na si Amy Kremer, at members ng We Build the Wall group na sina Jennifer Lawrence at Dustin Stockton.

Una nang sinabi ng Facebook na ipagbabawal na nila ang political advertisments sa kanilang social media platform pagkatapos ng US Elections.

Matapang din na sinita ng social media site na Twitter ang post ni Trump matapos nitong sabihin online na hindi na pwedeng tanggapin ang mga botong papasok, isang araw matapos ang Election Day.(AFP/Reuters)