-- Advertisements --

Maghihintay pa ng 20 linggo o halos dalawang buwan ang ibang mamamayan ng Estados Unidos bago nila matanggap ang cash payments na kasama sa pinirmahang $2 trillion coronavirus relief legislation.

Sa inilabas na memo ng House Democrats, nakasaad dito na posibleng matagalan ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga taong walang direct deposit information sa Internal Revenue Service (IRS).

Ang naturang time frame ay mas mahaba pa sa ibinahaging impormasyon ni Treasury Secretary Steven Mnuchin matapos nitong makipagpulong tungkol sa cash payments program kasama ang congressional leaders.

Gayunpaman, kumpiyansa umano si Mnuchin na sisimulang ipamigay ang cash payments sa ikalawang linggo ng Abril.

Inaasahan na magpapamahagi ang IRS ng halos 60 milyong direct deposit payments sa Abril ngunit posible namang mas matagal pa ang kanilang hihintayin. Maglalabas din ng paper checks ang IRS sa oras na makumpleto na ang direct deposits. Maaarin din itong maglabas ng halos 5 milyong checke kada linggo.

Nakasaad sa naturang memo na maaari pang magbago ang timeline pero base lamang ito sa pagpupulong sa pagitan ng mga staff mula sa House Ways and Means Committee, Treasury Department at IRS.

Unang ibibigay ang cheke ng mga taong may pinakamababang adjusted gross income habang huli namang makatatanggap ng tulong pinansyal ang mga taong malaki ang sahod.

Hinihikayat naman ng IRS ang mamamayan ang Amerika na maghain ng kanilang 2019 taxes para siguraduhin na mayroong file ang IRS ng kanilang direct deposit at address information. Nakatakdang maglunsad ang ahensya ng portal para mabilis na makita ng mga taxpayer ang status ng kanilang rebate at i-update na rin ang kanilang direct deposit.