-- Advertisements --

Iginiit ng Department of Education (DepEd) na hindi nilang kinukunsiti ang anomang uri ng stereotyping sa sinomang Pilipino.

Paninigurado ito ng kagawaran sa isinagawang imbestigasyon ng senado sa mga learning materials na umano’y nagpapakita ng pag-stereotype sa mga magsasaka.

Sa deliberasyon ng Senado sa 2021 proposed budget ng DepEd, tinawag ni Senator Francis Pangilinan ang pansin ng ahensya dahil sa kontrobersyal na learning materials kung saan makikita ang pamilya ng isang magsasaka na nakasuot ng sira-sirang damit.

Ayon sa senador, matagal na panahon na ang ganitong uri ng bias laban sa mga magsasaka at myembro ng agrikultura. Hindi aniya dapat turuan ang mga bata na maging mababa ang tingin sa mga pagsasaka at mga magsasaka.

Batid naman daw kasi ng lahat na salat sa pamumuhay ang karamihan sa mga magsaska nbg bansa ngunit hindi dapat ito gawing basehan ng kanilang pagkatao at pagiging masipag.

Bilang tugon dito ay binasa ni Senator Pia Cayetano ang pahayag ni DepEd Sec. Leonor Briones, sinabi ng kalihiim na iimbestigahan ng ahensya ang naturang isyu upang hindi na maulit.