Muling nagparinig si President Donald Trump kay House Speaker Nancy Pelosi dahil sa di-umano’y pagbulong ng huli sa kaniyang likuran habang inihahatid nito ang kaniyang talumpati para sa mamamayan ng Amerika sa katatapos lamang na State of the Union Address.

Sa isinagawang campaign rally speech ni Trump sa Manchester, New Hampshire, sinabi nito na na-distract umano siya sa mga ibinubulong ni Pelosi.

Aniya, malinaw umanong makikita sa naging reaksyon ng House Speaker na tutol ito sa naging laman ng kaniyang talumpati dahil na rin sa pangunguna nito sa impeachment proceedings laban sa American president.

Nagawa ring punitin ni Pelosi ang kaniyang kopya ng speech ni Trump na naging dahilan upang batuhin ito ng iba’t ibang kritisismo. Paliwanag naman ni Pelosi na tama lamang ang kaniyang ginawa dahil puro kasinungalingan lamang umano ang sinambit ng pangulo.

Mabilis naman ang naging tugon ng mga supporters ni Trump na dumalo sa nasabing campaign speech kung saan sabay-sabay nilang isinigaw ang mga katagang “lock her up” na nagpapakita ng kanilang pagnanais na makulong ang House Speaker dahil sa kaniyang ginawa.

Sa kabila nito, nagpasalamat naman si Trump kay Pelosi dahil naging daan umano ito upang makakuha ng pinakamataas na poll vote ang Republicans simula noong 2005.