VIGAN CITY – Libo-libong residente mula sa Maalea at Kihei sa Maui Island, Hawaii ang lumikas dahil sa 3,000 acre na brushfire na hanggang sa ngayon ay hindi pa naaapula ng mga otoridad dahil sa lawak nito at kapal ng usok.
Sa report sa Bombo Radyo Vigan ni Bombo International News Correspondent Rey Patao na tubong Bantay, Ilocos Sur na matagal nang nasa Maui, idineklara na umano ng alkalde ng Maui ang state of emergency sa kanilang lugar dahil sa malawak na pinsala ng nasabing brushfire.
Ayon kay Patao, hanggang sa ngayon ay hindi pa alam ng mga otoridad kung ano ang tunay na sanhi ng brushfire sa lugar kung saan dating taniman ng tubo ngunit napabayaan na kaya marami nang tumubong mga damo at halaman na kung minsan ay doon din sinusunog ng ilang mga residente ang mga sirang gamit nila.
Maliban sa mga residente ng dalawang komunidad sa Maui na apektado, naapektuhan din ang mga negosyo, pati na ang powerplant na nagsusuplay ng kuryente sa buong isla.
Marami rin umano ang mga flights sa Kahului airport na nai-divert sa Honolulu, at mayroon ding mga nakanselang flight dahil sa insidente.
Pati rin umano mga by-pass roads at main highways sa mga nasabing lugar ay naapektuhan ngunit masuwerte namang walang naipaulat na nasugatan o di kaya naman ay nasaktan dahil sa nasabing brushfire sa Maui.