Reading Time: 1 minute

KALIBO, Aklan – Nakakulong na ang isang stand-up comedian na may kasong human trafficking matapos ang isinagawang operasyon ng Malay Municipal Police Station sa Tabon Port sa Boracay.

Kinilala ang suspek na si Richard Sausa, 42-anyos na residente ng Tanza, Iloilo, at pansamantalang nanunuluyan sa Sitio Tulubhan, Barangay Manoc-Manoc sa nasabing isla.

Si Sausa ay may warrant of arrest sa kasong qualified human trafficking na ipinalabas ni Presiding Judge Bienvenido P. Barrios Jr., ng 6th Judicial Region Branch 3, Kalibo, Aklan na may petsang Agosto 28, 2019.

Nangyari ang operasyon dakong alas-5:30 ng hapon sa naturang pantalan.

Nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya laban kay Sausa matapos makatanggap ng impormasyon sa kanyang kinaroroonan.

Walang itinakdang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Si Sausa ay kasalukuyang nakapiit sa Sub-Station 5 ng Malay-Philippine National Police sa isla.