Kumbensido si AAMBIS-OWA party-list Rep. Sharon Garin na malaki ang maitutulong ng isinusulong na fiscal stimulus package nilang mga kongresista para sa recovery ng ekonomiya ng bansa pagkatapos ng enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Iginiit ni Garin ang kahalagahan nang pagpapalakas sa business confidence at pagpapanatili sa stability ng labor force ng bansa pagkatapos ng Luzon-wide lockdown.
SInabi ng co-chairman ng House Subcommittee on Economic Stimulus, na trabaho ang siyang “lifeblood” ng ekonomiya.
Sa kanyang pagtataya, humigit kumulang 1 million negosyo, kung saan nakadipende ang nasa 30 million paliya, ay nangangailangan ng suporta mula sa pamahalaan matapos na hindi makapag-operate dahil sa lockdown sa buong Luzon.
Mahalaga ang pagtulong ng pamahalaan aniya sa mga ito upang sa gayon ay matiyak na walang empleyado mula sa naturang sektor ang mawawalan ng trabaho pagkatapos ng enhanced community quarantine.
Kasabay nito, nanindigan ang kongresista sa kanyang opinyon na lalo lamang lalala ang economic distress ng Pilipinas sa oras na palawigin pa ang Luzon-wide lockdown.
At dahil ang buhay ng Bayanihan to Heal as One Act ay limitado lamang sa tatlong buwan, sinabi ni Garin na mahalagang magkaroon ng economic stimulus package para matiyak ang kinabukasan ng bansa.