Binatikos ng grupong Bayan Muna ang Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa hindi pagsama sa mga Social Security System (SSS) pensioners bilang benepisyaryo ng social amelioration package sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay House Deputy Minority Leader at Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, bago pa man nagkaroon ng COVID-19 pandemic ay isinusulong na nila ang pagbibigay ng second tranche ng P1,000 SSS pension increase.
Muling iginiit aniya ng kanilang grupo ang tungkol dito bago pa man naisabatas ang Bayanihan to Heal as One Act subalit hindi naman aniya ito pinakinggan.
Dahil dito, dobleng pasakit aniya sa mga nakatatanda ang lockdown dahil sa hind sila makakalabas para kumita ng kahit kakaunti tapos hindi rin binigyan ng kahit kakaunting tulong na mapasama man lang sa social amelioration program.
“At present, the basic SSS pension is just P2,000 per month, thus, it is very incompassionate for the government to deprive our SSS pensioners of help, especially in this time of crisis,” ani Zarate.
Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, bibigyan ng P5,000 hanggang P8,000 sa loob ng dalawang buwan ang 18 million low-income families sa bansa dahil sa COVID-19 situation.
Dahil dito, umaapela muli si Zarate sa IATF-EID na irekonsidera ang kanilang posisyon at isama ang mga SSS pensioners na nakatatanggap ng P5,000 pababa na pension sa social amelioration program.