-- Advertisements --
sss

Isinasapinal na raw ng state-run private sector workers’ pension fund Social Security System (SSS) ang kanilang guidelines para sa offer ng mga calamity loan sa mga miyembro nilang apektado ng bagyong Karding.

Ayon kay SSS president at CEO Michael Regino, sakaling matapos nila ang guidelines ay agad nila itong ire-release sa pamamagitan ng kanilang website at social media channels.

Una rito, sinabi ng SSS na magbubukas ang mga ito ng dalawang programa para magbigay ng financial assistance sa kanilang mga miyembro at pensioners sa mga lugar na labis na naapektuhan ng Super Typhoon Karding.

Sinabi ni Regino na ang dalawang programa ay ang Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa mga miyembro at ang Three-Month Advance Pension for Social Security (SS) at Employees’ Compensation (EC) pensioners.

Sa ilalim ng Calamity Loan Assistance Program, ang mga miyembro ay puwedeng maka-avail ng loan na katumbas ng kanilang huling average na 12 monthly salary credit o puwede namang mas mababa ang kanilang aaplayan.

Para naman sa Three-Month Advance Pension, ang proceeds ay ibabase sa kung magkano ang buwanang pension ng mga pensioners.

Kasunod nito, hinimok naman ng SSS chief ang kanilang mga miyembro na mag-rehistro sa My.SSS Portal na matatagpuan sa SSS website para sa mga application sa Calamity Loan Assistance Program na idadaan sa kanilang channel.

Base sa data ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kabilang sa mga naapektuhan ng napalakas na bagyo ang 1,372 na mga barangay sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol at Cordillera.