-- Advertisements --

Lumagpas na sa P100 per kilogram level ang retail pices ng produktong asukal sa bansa dahilan kung kayat isusulong ngayon ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang karagdagang pag-aangkat pa ng asukal.

Ayon kay SRA Administrator Hermenegildo Serafica, tinitignan ngayon ng ahensiya na mag-angkat ng 300,000 metric tons ng asukal sa gitna ng pagbaba ng stockpile na asukal sa bansa.

Inaasahan na maibsan ang mataas na presyo ng asukal kapag tinaasan ang local supply sa pamamagitan ng pag-aangkat.

Una nang sinabi ng SRA official na ginagamit na ang buffer stock na mayroon ang bansa kung kaya’t planong irekomenda ng pamunuan ng SRA ang isang sugar order sa board sa susunod na linggo sakop dito ang lahat mula sa industrial kabilang ang retail.

Target ng SRA na mag-angkat ng asukal mula sa mga bansang Thailand, Vietnam, Malaysia at Indonesia.

Tatalakayin din ng SRA ang planong hinggil sa importasyon kasama si Agriculture undersecretary-designate at spokesperson Kristine Evangelista sa susunod na linggo.

Nakikita ngayon na ang suplay ng asukal ay bumababa habang lumobo naman ang demand lalo na ngayong muling pagbubukas ng ekonomiya.

Sa kasulukuyan, ang retail price ng pinong asukal ay nasa P70.50 per kg hanggang P115 per kg sa supermarkets habang sa wet markets naman ang presyuhan ay pumapalo sa P90 hanggang P96 per kg, base ito sa price monitoring ng SRA as of July 29.

Kung ikukumpara naman noong nakalipas na taon, malaki ang deperensiya kung saan ang presyo ng asukal sa supermarkets noon ay nasa P50 hanggang P63 per kg lamang at P50 hanggang P58 naman sa wet markets.