-- Advertisements --
image 546

Binisita ni Sugar Regulatory Administration Administrator Pablo Luis Azcona ang Victorias Milling Company sa Barangay 17, Victorias City, Negros Occidental, matapos masunog ang raw sugar warehouse nito noong Linggo ng gabi, Agosto 27.

Ani Azcona, nakakalungkot mapanood ang footage ng insidente.

Ayon kay Fire Officer 1 Melvin Juson, arson investigator ng Victorias City Fire Station, nakatanggap sila ng tawag sa sunog bandang 6:52 ng gabi.

Gayunman, sinabi niya na wala pang lead ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa sanhi ng sunog o kung saang bahagi ng gusali nagmula ang sunog.

Sinabi ni Juson na tinupok din ng apoy ang clinic, labor hall, at iba pang mga silid at opisina ng Victorias Milling Company dahil ang mga istrukturang ito ay konektado sa isang gusali.

Wala namang naiulat na nasugatan at idineklara ang fire out alas-11:02 ng gabi, ayon kay Juson.

Dagdag pa ni Juson hindi pa naibibigay ng naturang kompanya ang halaga ng pinsala sa ari-arian.

Samantala, sinabi ni Azcona na kukumpletuhin ng nasabing kompanya ang kanilang assessment sa Lunes at siya ay positibo na maaari silang magbukas sa Setyembre 1, pero sinabing ang nangyaring insidente ay may kaunting epekto sa suplay ng asukal.

Nauna nang iniulat na noong Disyembre 2021, nasunog din ang isang gusali ng Victorias Milling Company, na nakaapekto sa New Bagas Shed Building nito na nag-iimbak ng sugarcane residue o pulp, na mas kilala bilang “bagaso,” na ginagamit bilang fuel ng planta ng Victorias Milling Company power plant.