-- Advertisements --

Pinapaspasan na ng Food and Drugs Administration (FDA) ang pagsusuri sa Emergency Use Authorization application ng Gamaleya para sa kanilang COVID-19 vaccine na Sputnik V.

Sa pagdinig ng House Committee on Peoples’ Participation, sinabi ni FDA Director General Eric Domingo na tanging ang bakunang gawa ng Pfizer at AstraZeneca pa lamang ang nabibigyan nila ng EUA.

Medyo nahihirapan aniya sila na asikasuhin naman ang application ng Gamaleya para sa Soutnik V nito dahil ang mga dokumentong kinakailangan nila sa kanilang pagsusuri ay nanggagaling pa sa Rusia.

Kaya umaapela si Domingo sa Embahada ng Russia na kung maari ay pahintulutan ang local partner ng Gamaleya sa Pilipinas na pumirma sa mga dokumentong kinakailangan sa kanilang EUA application.

Ayon sa Embahada ng Russia, sakaling maaprubahan ang EUA para sa Sputnik V ngayong Pebrero, inaasahang makakarating ang supply ng Pilipinas pagsapit ng Abril.

Anila, ang supply na matatanggap ng Pilipinas ay sasapat para mabakunahan ang 1/3 hanggang 1/2 ng populasyon ng bansa.

Sinabi naman ng chairman ng komite na si San Juan Del Monte City Rep. Florida Robes na ligtas gamitin para sa may edad na 65-anyos pataas ang Sputnik V.