-- Advertisements --

Pinayagan na raw ng Department of Health (DOH) ang mga pribadong laboratoryo sa bansa na mangolekta ng specimen sa mismong bahay ng mga pinaghihinalaan o suspected cases ng COVID-19.

Pero paglilinaw ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire may kaukulang kondisyon ang pagbibigay nila ng go signal sa naturang hakbang.

Tulad ng dapat ay lisensyadong laboratoryo lang ang maaaring magsagawa ng home service na specimen collection. Ang mga laboratoryo ay may responsibilidad din na ipaalam sa ahensya kung sila ay magbubukas ng nasabing serbisyo.

Dapat namang nakasuot ng kumpletong personal protective equipment (PPE) ang healthcare worker o personnel na magsasagawa ng home service na swab collection.

Sa huling tala ng DOH, mayroon nang 114 licensed laboratories sa bansa na nagsasagawa ng COVID-19 test. Ang 86 sa kanila ay mga RT-PCR labs, ang 28 naman ay genexpert labs.

May 94 namang iba pang laboratoryo na nasa iba’t-ibang antas ng aplikasyon para ma-accredit bilang licensed testing lab.