LEGAZPI CITY – Nagtungo sa Albay ang special team mula Korea para sa humanitarian purpose at assessment sa mga sinalanta ng bagyong Tisoy kamakailan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Danny Garcia, tagapagsalita ni Governor Al Francis Bichara, sinabi nitong tutulong ang South Korean Search and Rescue Team sa pagtayo muli ng nasirang bahay ng mga apektado ng malakas na bagyo.
Unang magsasagawa ang mga ito ng assessment sa mga totally damaged houses at babalik sa Korea upang madala ang mga materyales sa isasagawang konstruksyon.
Mismong ang assisting team aniya ay may kasama ng mga karpintero at mason na magtatayo ng mga bahay.
Bukod sa Albay, una nang nagpunta ang team sa iba pang mga bansa baon ang kaparehong layunin.
Samantala, ipinagpapasalamat naman ni Bichara ang pagresponde ng Korea lalo na’t bukod sa “Tisoy” naapektuhan din ito ng typhoon Ursula.