DAGUPAN CITY – Bumuo na ng Special Investigation Task Group o “SITG Espino” ang Pangasinan-Philippine National Police (PNP) na siyang tututok sa ginawang pananambang sa convoy ni dating Pangasinan governor at dating 5th District Congressman Amado Espino Jr.
Layon ng naturang task group na makapagsagawa ng malalimang imbestigasyon para sa agarang ikareresolba ng kaso.
Nauna rito, ipinag-utos ni PNP Region I Director Police Brigadier General Joel Sabio Orduña, ang agarang dragnet operation para matukoy at mahuli ang mga suspek na nagtangka sa buhay ng dating ama ng probinsiya na naganap sa kahabaan ng Barangay Magtaking, San Carlos City, Pangasinan.
Sa inisyal na imbestigasyon, sakay si Espino ng Toyota Land Cruiser kasama ang kanyang driver na si Agapito Cuison at Jayson Malsi habang ang kanyang back-up security ay sakay naman ng black Toyota Innova na minamaneho ni Anthony Columbino at kasama sina Police Staff Sgt. Richard Esguerra at Kervin Marbori.
Patungo sana sila sa Barangay Ilang nang sila ay barilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek na armado ng mga mahahabang armas.
Matapos ang pamamaril ay agad ding tumakas ang mga ito sa direksiyong Malasiqui, Pangasinan.
Dead on the spot ang bodyguard na si Esguerra habang si Cuison, ang driver na nakapagtakbo sa dating kongresista sa pagamutan, ay pumanaw na rin nitong Huwebes ng gabi.
Samantala, lulan ng dawalang sports utility vehicle (SUV) ang mga suspek na magkahiwalay na tumakas matapos ang insidente sa bayan ng Basista at Malasiqui.
Isang SUV na kulay pula naman ang inabandona sa karating na barangay partikular sa Barangay Kubol, San Carlos, na tadtad ng bala ng baril at mga gloves habang ang isa sa mga sasakyang ginamit ng suspek ay hindi parin natatagpuan