Nanawagan ngayon ang isang mambabatas na magpatawag ng special session ang Kongreso upang madaliang talakayin at ipasa ang panukalang P52.8 bilyong supplemental budget bilang paghahanda sa malawakang epekto ng tensyon sa Middle East.
Apela ni Akbayan Party-list Representative Chel Diokno kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nararapat na sertipikahan bilang urgent ang House Bill No. 8495 upang maibsan ang pasanin ng publiko sa gitna ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin.
Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, gagamitin ang bilyun-bilyong pondo bilang ayuda sa tatlong pangunahing sektor.
Ang pinakamalaking bahagi, na aabot sa P38 bilyon, ay ilalaan para sa repatriation at reintegration ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sakaling lumala ang gulo sa Gitnang Silangan.
Maglalaan din ng P12 bilyon para sa fuel subsidy ng mga tsuper at transport workers, habang P2.8 billion naman ang ipapamahagi sa sektor ng agrikultura, partikular sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.
Ayon sa mambabatas, hindi dapat ipagpaliban ang pagpasa nito kahit naka-break ang Kongreso.
Iginiit ni Diokno na ang nararanasang pagtaas ng halaga ng petrolyo ay direktang nagpapalala sa kagutuman at kahirapan sa bansa.
Nilinaw din sa balangkas ng panukala ang naging babala kamakailan ni Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin, kung saan sinabi nitong posibleng makaranas ng kakulangan sa suplay ng langis ang Pilipinas kung hindi huhupa ang hidwaan sa labas ng bansa.
















