Umapela si House Committee on Ways and Means chairman at Albay Rep. Joey Sarte Salceda kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa liderato ng Kamara na magpatawag ng special session ng Kongreso upang talakayin ang special powers at supplemental appropriations pati na rin ang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa.
Sa kanyang ipinadalang aide memoire, sinabi ni Salceda na maaring magtalaga si Speaker Alan Peter Cayetano ng small group na siyang bubuo ng mga legislative measures upang sa gayon ay maiwasan ang mass transmission, ma-contain ang sakit at maibsan din ang socioeconomic impacts nito.
Sinabi ni Salceda na maaari ring pansamantalang amiyendahan ang House rules upang mabigyan daan ang virtual meetings pati na rin ang virtual voting alinsunod sa direktibang social distancing.
Iginiit ni Salceda na hindi puwedeng naka-recess ang Kongreso sa gitna nang kinakaharap na national crisis lalo na aniya’t ay may mga polisiya na mangangailangan ng kapangyarihan ng Kongreso halimbawa na lamang ang pagbibigay ng special powers sa pangulo at paglalaan ng supplemental budget.
Samantala, muling binigyan diin ng kongresista ang nauna na niyang panawagan na magpatupad ng lockdown sa National Capital Region dahil kapag hindi ito gagawin inaasahang papalo sa 50,300 ang COVID-19 cases pagbalik ng sesyon sa May 4.