Target ng Department of Health (DOH) na maibigay simula bukas ang special risk allowance na ipinangako ng pamahalaan sa karagdagang higit 20,000 health workers na nagsisilbi sa frontlines sa laban kontra COVID-19.
Sa pagdinig ng House Committee on Health, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ngayong araw inaasahan nilang mailalabas ang P311 million.
Ang naturang halaga ay mula sa miscellaneous and personnel fund ng kagawaran, na inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) para gamitin sa special risk allowances ng mga health workers.
Nabatid na sa pagitan ng Setyembre 2020 at Hunyo 2021, ang DOH ay nakapag-disburse na ng P10.33 billion para sa special risk allowances ng 685,431 medical workers.
Nauna nang sinabi ng DBM na humigit kumulang P9 billion ang ibinaba sa DOH para sa special risk allowance ng mga health workers, pero bahagi ng naturang halaga ay ibinalik sa National Treasury makalipas na mabigo ang kagawaran na gamitin ito bago pa man napaso ang Bayanihan 2 noong Hunyo.