-- Advertisements --

Kinumpirma ngayon ng Commission on Audit (COA) na nagsasagawa na sila ng special audit kaugnay ng kontrobersyal na deal ng PS-DBM sa Pharmally.

Sa ika-10 pagdinig ng Senate blue ribbon committee, tinanong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si COA Chairman Michael Aguinaldo ukol sa naging aksyon ng komisyon, matapos marinig ang mga rebelasyon sa hearings.

Ayon kay Aguinaldo, bukod pa ito sa inisyal nilang findings ukol sa presyo at deliveries ng medical supply para sa Department of Health (DoH).

Lahat naman aniya ng pagdinig ay kanilang dinaluhan, maging ang House inquiry at lalo na ang sa panig ng Senado.

Handa naman ang Senate panel na ibahagi ang kanilang mga nakalap na impormasyon, kung hihilingin ito ng komisyon.