Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na magpapatuloy ang kanilang pagbabantay sa presyo ng sibuyas, bigas at iba pang mga agricultural products.
Itoy kasunod sa pagsampa ng kaso ng Department of Justice at National Bureau of Investigation laban sa mga nasa likod ng di makatarungang pagtaas ng presyo ng sibuyas na umaabot sa 700 pesos kada kilo bago matapos ang taong 2022.
Sinabi ni Romualdez na ang paghahain ng criminal at administrative charges ay produkto umano ng ginawang malalimang imbestigasyon ng Kamara.
Siniguro ng house leader na hindi titigil ang Kongreso at hindi magdadalawang-isip na gamitin ang oversight powers upang magkasa ng imbestigasyon at maprotektahan ang publiko mula sa inflation.
Pinuri rin ni Romualdez ang House Committee on Agriculture at ang mga opisyal nito kasunod ng apat na buwang imbestigasyon na nagbunyag sa mga personalidad na nasa likod umano ng cartel na responsable sa hoarding at price manipulation ng sibuyas.
Ikinadismaya naman ng House Speaker ang umano’y pagkakasangkot ng ilang opisyal ng Department of Agriculture sa manipulasyon sa presyo ng sibuyas dahil sa halip na protektahan ang publiko ay pinahihirapan pa sila ng mapang-abuso at ilegal na gawain.