Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na lalo pang pahuhusayin ng House of Representatives ang kanilang trabaho at ipagpapatuloy ang ginagawang pagsusumikap kasunod ng mataas na rating na nakuha ng Kamara sa OCTA Research Survey nuong buwan ng Agosto.
Lubos din ang pasasalamat ng House leader sa publiko sa pagkilala sa ginagawa ng Kamara lalo na ang paggawa ng mga makabuluhang batas na sumusuporta sa prosperity agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa pagsasagawa nito ng imbestigasyon upang mapababa ang inflation rate at ang presyo ng mga pangunahing produkto para maging abot kaya sa mga Pilipino lalo na sa mahihirap.
“We have already made some headway, and we will carry on with those tasks with more vigor until we have achieved the goals we have set out to do,” pahayag ni Speaker Romualdez.
Siniguro din ni Speaker na mananatiling nakatuon ang atensyon nito at ng Kamara sa pagtiyak na huhupa ang presyo ng bigas, sibuyas, at iba pang pangunahing pangangailangan at gagawa ng mga hakbang para matulungan ang mga lubhang malulugi sa ipatutupad na mga polisiya gaya ng mga retailer, maliliit na negosyante at market stallholder.
Tututukan din ng Kamara ang panig ng suplay at produksyon gaya ng pagtulong sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo upang matiyak na maipatutupad ang mga kinakailangang programa ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Batay sa pinakahuling survey ng OCTA Research, 54 porsyento ng respondent ang nagsabi na sila ay nasisiyahan sa ginagawa ng Kamara.
Siyam na porsyento naman ang hindi nasisiyahan at 36 porsyento ang undecided kung nasisiyahan o hindi.
Ang trust rating naman ng Kamara ay 55 porsyento habang ang distrust rating naman ay nasa 7 porsyento.