Hinamon ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at anak nitong si Davao City Mayor Sebastian Duterte na patunayan ang kanilang mga alegasyon laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Sinabi ni Romualdez na maaaring ang mga sinabi ng mag-amang Duterte sa ginaganap na rally sa Davao City noong Linggo ng gabi ay “budol-budol stories” nanaman.
Nanawagan si Mayor Duterte kay Pangulong Marcos, ang pangulo ng bansa na nakakuha ng pinakamalaking mandato sa kasaysayan ng bansa at nakakuha ng mahigit 31 milyong boto na bumaba sa puwesto.
Sinabi naman ni dating Pangulong Duterte na si Pangulong Marcos ay nasa narco-list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Itinanggi naman ito ng PDEA at sinabi na kahit kailan ay hindi nasama si Marcos sa naturang listahan.
“Sa pamilyang Duterte, siguro konting galang naman sa ating mahal na presidente tsaka sa pamilya n’ya. Noong panahon ng rehimen n’yo, iginalang naman kayo,” dagdag pa ni Romualdez.
Binigyang-diin ni Speaker, “Masyadong maaga naman ninyo gustong ipabagsak ang rehimen ng President Ferdinand R. Marcos Jr., very popular and he was elected with a bigger mandate than the former president. Kaya’t igalang naman natin ‘yan. ‘Yan po ang mandato ng taumbayan ng Pilipinas.”
Sinabi ni Speaker Romualdez na walang katotohanan ang mga alegasyong binitiwan ng dating Pangulo.
Iginiit si Speaker Romualdez na si Pangulong Marcos ay masipag at popular na pangulo habang si Duterte ay nahaharap naman sa mga akusasyon kaugnay ng uri ng ginawa nitong pamumuno.