-- Advertisements --

Bumiyahe patungong Tacloban City ngayong araw si House Speaker Martin Romualdez upang gunitain ang ika-siyam na taong anibersaryo ng bagyong Yolanda, ang pinakamatinding trahedya at sakuna na naranasan ng mga taga-Leyte at Samar.

Ayon kay Speaker Romualdez ang mga aral o leksiyon na natutunan mula sa nasabing trahedya ay magsisilbing gabay ng gobyerno sa patuloy na pagresponde sa mga kalamidad.

Binigyang-diin din ni Romualdez ang kapasidad ng mga Pilipino na sa panahon ng sakuna ay nagkakaisa at nagtutulungan.

Ang paggunita sa Yolanda anniversary ay pagbibigay pugay at pag-alay ng dasal sa mga nasawi sa nasabing trahedya.

Punto ni speaker, ang katatagan na ipinakita ng lahat ay bahagi ng sakripisyo ng mga unang tumugon sa sakuna at ang ipinakitang pagkakaisa sa harap ng kahirapan.

Ang bagyong Yolanda ay nasa Category 5 na typhoon at isa sa pinakamalakas na tropical cyclones na naitala sa ating bansa.

Sinabi ni speaker mahirap kalimutan ang takot na kanilang kinaharap noong hinahagupit ang kanilang lugar ng bagyong Yolanda.

Pagtiyak naman ni Romualdez na sa ngayon masasabi niya na fully recovered na sila mula sa Yolanda at patunay dito ang resiliency na ipinapakita ng bawat Pilipino.

Nagtungo din si Pangulong Bongbong Marcos sa Tacloban para makiisa sa paggunita ng anibersaryo ng Yolanda.