Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. matapos maselyuhan ang ilang mahahalagang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Brunei.
Nalagdaan ang mga kasunduan sa pagbisita ni Pangulong Marcos, kasama si Speaker Romualdez sa Bandar Seri Begawan nitong Martes.
Kabilang sa mga kasunduang nilagdaan ang tatlong memorandum of understanding sa turismo, Mutual Recognition of Standards of Training, Certification and Watchkeeping (STCW) certificates; at maritime cooperation.
Isang Letter of Intent o LOI din ang ikinasa upang pagtibayin ang nauna ng kasunduan patungkol sa food security at ugnayan sa sektor ng agrikultura.
Kasabay ng selebrasyon ng ika-40 taong anibersaryo ng diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at Brunei, umaasa si Speaker Romualdez na lalo pang titibay at lalago ang relasyon ng dalawang bansa.
Ang kasunduan para sa ugnayan sa turismo ay naglalayong paigtingin ang proyektong pang turismo at pataasin ang turistang dumarating sa pagitan ng dalawang bansa.
Sinusuportahan ng kasunduan ang niche tourism development partikular ang Islamic tourism at pagkakaroon ng Muslim-friendly destinations.
Importante naman aniya ang MOU sa STCW para sa kaligtasan ng ating maritime workforce gayundin ay masigurong na kanilang naaabot ang pamantayang internasyunal.
Nakapaloob naman sa MOU sa maritime cooperation ang pagtutok sa pollution control, pagsasanay, pagsasaliksik at palitan ng impormasyon na mahalaga sa maritime nations gaya ng Pilipinas at Brunei, para pag-ibayuhin ang kakayanan ng dalawang bansa at magkaroon ng pangmatagalang maritime practice.
Ang LOI para muling pagtibayin ang kasunduan sa seguridad sa pagkain at ugnayan sa agrikultura ay nilagdaan sa pagitan ng Department of Agriculture (DA) ng Pilipinas at Agriculture and Agrifood Department (AAD) ng Brunei upang mapasigla ang sektor ng agrikultura ng dalawang bansa at siguruhin ang seguridad sa pagkain gayundin ang pagsusulong ng mga makabagong paraan ng pagsasaka.