Nananawagan si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa publiko na maging kalmado at mahinahon habang inaantay ang resulta ng imbestigasyon hinggil sa nangyaring pagpapasabog sa Dimaporo Gymnasium ng Mindanao State University sa Marawi City kahapon ng umaga.
Umapela naman si Romualdez ng pagtutulungan at pagkakaisa para mapanatili ang kapayapaan sa bansa at mahadlangan ang anumang hakbang para isabotahe ang proseso ng pagkamit ng kapayapaan sa Mindanao.
Babala ni Romualdez, hindi kukunsintihin ang anumang panggugulo sa katahimikan at kaayusan sa ating lipunan.
Kasabay nito ay tiniyak ni Romualdez na mahigpit na tututukan ng Kamara ang sitwasyon kaakibat ang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya para maikasa ang kailangang aksyon.
Bukod sa panalangin at mensahe ng pakikiramay at pakikisimpatya sa mga biktima ng karahasan ay tiniyak din ni Romualdez na handa ang Mababang Kapulungan sa pagkakaloob ng tulong para sa pagbangon ng apektadong komunidad.
Samantala, agad naghatid ng tulong ang House of Representatives sa mga biktima ng pagsabog.
Pangunahin dito ang medical assistance at mga relief goods para sa mga biktima ng pagsabog na ginagamot sa Amai Pakpak Medical Center.
Ang pagtulong ng Kamara sa mga biktima ng karahasan ay pinangunahan ng tanggapan ni House Speaker ferdinand Martin Romualdez at Tingog Partylist Representatives Yedda Romualdez at Jude Acidre.
Nakipag-ugnayan na rin ang Tingog Partylist sa lokal na pamahalaan sa pangunguna nina Mayor Majul Gandamra, Gov. Mamintal Adiong at Lanao del sur 1st district Representative Zia Alonto Adiong para alamin ang iba pang tulong na kailangan ng mga biktima at kanilang pamilya.