Ipinaaabot ni House Speaker Martin Romualdez ang taos pusong pasasalamat ng gobyerno sa United States (US) sa pagtulong sa Pilipinas para tugunan ang coronavirus disease-19 (COVID-19) pandemic.
Ginawa ni Romualdez ang pasasalamat sa isang pulong kasama si Assistant Secretary ng State Department for East Asian and Pacific Affairs na si Daniel Kritenbrink na ginanap sa Washington DC noong Martes ng hapon (US time).
“We are thankful that our alliance has remained robust, and I believe that an enhanced dialogue between the US and the Philippines would help cement the bond of friendship that we have forged throughout the years,” pahayag ni Romualdez.
Sa ngayon, kapwa pinagtitibay ng Pilipinas at Amerika ang pagpapalakas ng pakikipagtulungan.
Siniguro naman ni Speaker Romualdez kay Assistant Secretary Kritenbrink na ang Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas ay “nananatiling nakatuon sa pagsuporta sa mga hakbang na makatutulong sa pagpapalalim ng pakikipagtulungan sa Estados Unidos partikular sa mga larangan ng supply chain, kalusugan at seguridad, pagbabago sa kapaligiran at klima, seguridad sa enerhiya, at interconnectivity.”
Kumpiyansa si Romualez na mas lalo pang magiging matatag at makabuluhan ang ugnayan ng Pilipinas at Amerika matapos ang kanilang pulong ni Kritenbrink.
“I am confident that our meeting today would further lead to stronger relations between our countries, and would help attaining peace and prosperity in the entire Asia-Pacific region,” wika ni Speaker Romualdez.
Sinabi ni Romualdez na nakipagpulong siya sa US official upang palawakin at palakasin ang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa, at palakasin ang nagpapatuloy at hinaharap na mga bilateral na hakbangin, partikular sa larangan ng kooperasyong pang-ekonomiya.