-- Advertisements --

Kumpiyansa si Speaker Ferdinand Martin Romualdez na positibo ang magiging pagtanggap ng mga negosyante sa Saudi Arabia sa imbitasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mamuhunan sa Maharlika Investment Fund (MIF).

Ayon kay Speaker Romualdez mayroong mga Saudi business leaders na nagpakita ng interes sa MIF sa ginaganap na roundtable meeting.

Matapos ang presentasyon nina Trade and Industry Sec. Alfredo Pascual at Finance Sec. Benjamin Diokno sa mga oportunidad ng pagnenegosyo sa Pilipinas ay inimbitahan ni Pang. Marcos ang mga negosyante na mamuhunan sa MIF.

Binigyang-diin ni Romualdez na ang imbitasyon ng chief excutive ay isang exciting opportunity kaya naniniwala siya na magiging positibo ang tugon ng mga negosyanteng Arabo sa Maharlika Investment Fund (MIF).

Ayon kay Saudi Minister of Investment Khalid A. Al-Falih na maraming negosyante sa kanyang bansa ang interesado na malaman ang tungkol sa MIF.

Ilan sa mga kompanyang nakibahagi sa pulong ay ang Public Investment Fund (PIF), Hassana Investment Company (HIC), Saudi Arabian Investment Company (SANABIL), at Saudi Fund for Development (SFD).

Ayon kay Speaker Romualdez kasama sa mga nagpahayag ng interes sa MIF si Mulhan Albakree, Executive General Manager ng PIF.

Ang PIF ng KSA ang ika-6 na pinakamalaking sovereign wealth fund (SWF) sa mundo at umaabot ang asset nito sa US $607.42 bilyon. Sa kasalukuyan, ito ang may-ari ng 71 kompanya sa 10 magkakaibang sektor na nakapagbigay ng trabaho sa mahigit 500,000 katao.

Ibinida ni Romualdez ang potensyal ng Pilipinas para sa pamumuhunan bunsod ng matatag na ekonomiya nito bukod pa sa magandang lokasyon nito para sa kalakalan sa Asia-Pacific Region.

Ilan umano sa maaaring lagakan ng pondo ang mga flagship infrastructure projects sa Mindanao, partikular sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Samantala, pinuri ni Speaker Romualdez ang pahayag ni Pang. Marcos na matutuloy ang pagpapatupad ng MIF bago matapos ang taon.

Para kay Romualdez patunay ito ng pagpapahalaga ng administrasyon sa transparency, accountability, at responsableng pamamahala ng pondo.

Sinabi ni Romualdez na makatutulong ang MIF upang matugunan ang pangangailangan ng bansa at mapalakas ang ekonomiya.

Layunin nito na makakuha ng mga kapital mula sa mga negosyante sa loob at labas ng bansa na gagamitin sa pagtatayo ng mga kinakailangang imprastraktura na magiging susi sa pag-angat ng ekonomiya.