-- Advertisements --

Sinagot na ni Speaker Martin Romualdez ang naging pahayag ni Sen. Imee Marcos sa ginanap na pagdinig ng senado kaugnay sa isinusulong na Peoples Initiative bilang paraan para amyendahan ang 1987 Constitution.

Sa isang pahayag sinabi ni Speaker na hindi dapat humantong sa bastusan bagkus bukas ito para sa isang makabuluhang pag-uusap at talakayan.

Ayon kay Speaker sasagutin niya ng may pinaka mataas na respeto at civility ang pahayag ni Sen. Marcos.

Sinabi ni Romualdez na ang ugnayan ng pamilya sa pulitika ng Pilipinas ay malalim na nakaugat, at bagama’t hindi maiiwasan ang mga pagkakaiba sa mga opinyon, mahalagang lapitan ang mga pagkakaibang ito nang may diwa ng nakabubuo na diyalogo at paggalang sa isa’t isa.

Hindi nagustuhan ni Speaker ang pahayag ni Sen. Imee na “Walang gamot sa kakapalan ng mukha mo.”

Aniya pareho silang public servant ng kaniyang pinsan na ang kanilang pokus ay ang kapakanan ng sambayanang Pilipino.

Pakiusap ni Speaker kay Sen Marcos na hindi na kailangan humantong sa bastusan dahil nakatutok at pinakikinggan ito ng mga kabataan at hindi ito magandang ehemplo.

Binigyang-diin ni Romualdez na sa ngalan ng pakikiisa, bukas ito makipag pulong kay Sen Marcos para tugunan ang mga isyu na ikagaganda ng bansa.

Hiling ni Speaker tapusin na ang bangayan, magtrabaho na para sa kapakanan ng mga kapwa Pilipino.