-- Advertisements --

Ipinagtanggol ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga inihaing resolusyon sa Kamara na nag-uudyok sa Marcos Jr. administration na makipag-tulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court o ICC hinggil sa giyera kontra droga ng dating Duterte administration.

Sa panayam kay Romualdez sa Cebu kaugnay sa naging pahayag ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa laban sa ICC resolution sa Mababang Kapulungan.

Sinabi ni Romualdez, na “sense of the House” ang mga resolusyong nakahain at ito ay hinaing ng mga kongresista.

Ayon kay Romualdez, magkakaroon ang Kamara ng tama at sapat na panahon para sa hearings kaugnay ng mga resolusyon.

At dito, mailalabas ang mga argumento ng mga pabor at kontra sa pagsisiyasat ng ICC sa war on drugs o nararapat bang papasukin ang ICC sa ating bansa.

Sa naunang pahayag ni Sen. Dela Rosa, kanyang kinuwestyon ang “timing” ng mga ICC resolution sa Kamara, dahil nagkataon aniya ang mga ito sa gitna ng sinasabing gusot sa pagitan ni Romualdez at Vice Pres. Sara Duterte.