Naghain ng resolusyon sina Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at Senior Deputy Speaker Ferdinand “Dinand” Hernandez nitong Lunes upang imbestigahan ng Kamara de Representantes ang sunod-sunod na pagkaputol ng linya ng kuryente sa ilalim ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na nagdulot ng malawakang brownout sa Luzon at Visayas.
Sa ilalim ng House Resolution No. 1024, hiling ng mga lider ng Kamara ang isang pagsisiyasat in aid of legislation kaugnay ng nangyaring pagkaputol ng 500-kilovolt Tayabas-Ilijan at Dasmariñas-Ilijan transmission lines noong Mayo 13, 2026.
Ang insidente ay nagresulta sa biglaang pagkawala ng mahigit 2,462 megawatts ng kuryente at nagpataw ng red at yellow alert sa bansa.
Dahil sa malawakang disrupsyon, napilitan ang NGCP na magpatupad ng Manual Load Dropping ( rotational brownout) na umpekto sa halos 3.9 milyong konsyumer sa Metro Manila, Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.
Sinabi ni Speaker Dy na hindi katanggap-tanggap na milyon-milyong Pilipino ang nawalan ng kuryente dahil sa pagkabigo ng ating transmission system.
Giit ni Speaker Dy, ang kuryente ay hindi luho ito ay pangunahing pangangailangan na direktang nakaaapekto sa kabuhayan, negosyo, edukasyon, at araw-araw na buhay ng mamamayan.
Ayon sa resolusyon, nais matukoy ng Kamara kung ang insidente ay sanhi ng force majeureo dahil sa kabiguan ng NGCP na pondohan at panatilihin ang integridad ng pambansang transmission system.
Lumutang din ang mga isyu ukol sa kahinaan sa maintenance, protection systems, at pagsunod sa “N-1” contingency compliance ng naturang korporasyon.
Kinuwestiyon din ni Speaker Dy kung bakit hindi naireport ng NGCP ang insidente sa Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC).
Binigyang-diin ni Dy na tungkulin ng Kongreso na tiyakin na ang mga pribadong kompanyang may legislative franchise ay sumusunod sa kanilang obligasyon sa taumbayan.
Tututukan ng naturang imbestigasyon ang teknikal na sanhi ng aberya, ang posibleng paglabag sa reportorial compliance ng NGCP, ang estado ng Transmission Development Plan, at kung ang mga paulit-ulit na sablay na ito ay sapat na basehan para sa posibleng paglabag sa prangkisa ng korporasyon.
















