-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni Senate President Vicente ”Tito” Sotto III ang pahayag ni dating presidential legal counsel Atty. Salvador Panelo na may ilang senador umano na nakapagdesisyon na laban sa nakatakdang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Sotto, mananatiling patas at walang kinikilingan ang Senado sa pagdinig, at hihintayin nila ang mga ebidensyang ilalatag sa impeachment proceedings.

Nauna rito, sinabi ni Panelo na sina Sotto at Senador Panfilo Lacson, Sen. Risa Hontiveros, at Sen. Francis Pangilinan ay umano’y nakapagdesisyon na sa magiging boto sa impeachment trial ng Bise Presidente.

Liban dito naghahanda na ang Senado sa posibleng paglipat ng Articles of Impeachment mula sa Kamara de Representates.

Ayon kay Sotto, nagkaroon din sila ng informal dinner meeting kasama ang ilang miyembro ng majority bloc upang talakayin ang inaasahang legal at political proceedings, ngunit nilinaw niyang hindi ito opisyal na caucus.

Sinabi rin niyang kasalukuyan siyang nagre-review ng mga legal process bilang paghahanda sa kanyang papel bilang presiding officer ng impeachment court.

Samantala, nahaharap si VP Sara sa mga reklamo ng betrayal of public trust at umano’y maling paggamit ng confidential funds.

Magugunitang iniutos ng Commission on Audit (COA) sa Office of the Vice President na isauli ang tinatayang P448.2 million na confidential funds na kinuwestyon dahil sa umano’y irregularidad. Kabilang dito ang mga cash advance at iba pang gastos noong 2023, habang may karagdagang P300 million na nauna nang idineklarang disallowed with finality.