CENTRAL MINDANAO- Hinimay-himay ng mga mambabatas sa probinsya ng Cotabato ang paglabag ng ilang kawani ng Municipal Health Office (MHO) sa bayan ng Mlang sa mga umiiral na alituntunin kontra Coronavirus Disease (Covid 19) Pandemic.
Nanguna mismo sa Committee of the whole legislative inquiry si Cotabato Vice-Governor Emmylou ”Lala” Taliño Mendoza at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan (SP) na sina Board Member Shirlyn Macasarte Villanueva, BM atty Roland Jungco, BM Rosalie “Rose”Cabaya, BM kelie Antao,BM Maria Krista Piñol-Solis, BM Dr Philbert Malaluan, BM Joemar Cerebo, BM Jonathan Tabara, BM Alberto Rivera at BM Sarah Joy Simblante, PNP at mga Health Workers.
Ginisa ni Mendoza katuwang ang mga SP Members ang mga kawani ng MHO-Mlang sa paglabag nito sa breach of health, quarantine and border checkpoint protocols for COVID-19.
Matatandaan na isang 19 anyos na lalaki na estudyante ang nakisakay sa isang ambulansiya na may dalang pasyente mula sa Davao City patungong M’lang Cotabato.
Hindi kasali sa ambulance trip manifest ang binata at hindi nakapagrehistro sa Task Force Sagip nang dumating ito sa Mlang noong Mayo 6.
Hindi rin sumailalim sa 14 day quarantine ang binata at walang quarantine certificate mula sa Davao City.
Noong mayo 9 nakaranas ng pamamaga ng lalamunan (sore throat) ang binata at pinainom ng antibiotics ng Mlang Municipal Health Office (MHO).
Hanggang Mayo 14 hindi pa rin gumaling sa kanyang sore throat ang estudyante kaya kinunan sya ng swab specimen at pagdating ng Mayo 17 nagpositibo ito sa Covid 19 sa PCR test.
Inutos rin ng SP Cotabato ang malawakang contact tracing sa mga nakasalamuha ng estudyante kasali na ang kanyang pamilya,mga kaibigan, 2 nurses, doktor at driver ng ambulansya.
Nadiskubre rin sa Legislative Inquiry na maliban sa binata ay sakay rin ng ambulansya ng LGU-Mlang ang tiyuhin ng biktima.
Dahil dito ay naghimutok si Tulunan Cotabato Mayor Reuel “Pip”Limbungan sa posibling malawakang hawaan ng Covid 19 pandemic sa kanyang bayan ng katabi lamang ng M’lang.
Tumanggap ng ulat si Mayor Limbungan na dumalo pa umano ng birthday party ang binata,naglaro ng basketball at nakipagkita sa kanyang mga kaibigan kaya nagdeklara na ito ng lockdown sa kanyang bayan.
Nagbanta naman si BM Macasarte na mananagot sa batas sa umiiral na national public health emergency sa bansa ang mga lumabag sa mga alituntunin kontra Covid 19 pandemic.