-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpaalala ang mga health officials at mga doktor sa South Cotabato na mag-ingat kasunod ng deklarasyon ng Department of Health (DOH) kaugnay sa outbreak sa sakit na polio.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Dr. Angelie Christine Marmonejo, kabilang ang mga probinsya ng South Cotabato, Sarangani at North Cotabato maging ang Cotabato City, na itinuturing na nasa high risk sa naturang karamdaman.

Ayon sa nasabing private doctor, kadalasang nakukuha ang sakit na ito dahil sa maruming tubig at hindi pagpapanatili ng kalinisan ng katawan.

Kung hindi aniya ito maagapan, posibleng magresulta ito sa pagkakaparalisa mula sa mga sintomas katulad ng trangkaso, pananakit ng katawan, at kawalang-gana sa pagkain.

Kaya upang maiwasan ito, dapat magpabakuna laban sa polio virus, madalas na maghugas ng kamay, maligo, at tiyaking malinis ang inuming tubig.

Nabatid na muling lumutang ang nabanggit na sakit matapos idineklarang polio-free ang Pilipinas 19 taon na ang nakalilipas.