Naniniwala umano si Senate President Vicente Sotto III na mali ang natanggap na impormasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa pangangailangan ng pork importation sa bansa.
Ginawa ng senador ang pahayag kasabay na rin ng patuloy nitong pag-kwestyon sa basehan ng naging desisyon ng pamahalaan na bawasan ang taripa para sa mga imported pork products at taasan ang minimum access volume (MAV) para sa mga pork imports ngayong taon.
Ayon kay Sotto, pinagtatanong-tanong daw nito kung sino ang henyo na nagsabi sa Pangulo na dapay ibaba ang taripa at itaas ang minimum access volume.
Kung pag-aaralan daw kasi ito ng Pangulo ay titingnan niyang mabuti ang naturang paksa at pakikinggan ang mga nagdaang hearing ng senado tungkol dito.
Hirit pa ng mambabatas na kahapon lang ay binawi ni Duterte ang Executive Order na pinapirma sa kaniya.
Naniniwala kasi ang mga senador na hindi na kailangan pa ng Pilipinas na mag-import ng mga karneng baboy mula sa ibang bansa.
Batay umano sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) at Bureau of Customs (BOC), nabatid na sobra pa sa pangangailangan ng mga konsyumer ang napo-produce na karneng baboy ng bansa.
Una nang hinikayat ng senado ang Pangulo na irekonsidera ang rekomendasyon nito na taasan ang MAV ng 350,000 metric tons mula sa current limit nito ng 54,210 metric tons.
Dagdag pa ni Sotto na binilog lang ang ulo ni Agriculture Sec. William Dar para depensahan ang rekomendasyon na buksan ang Pilipinas sa pork importation.