-- Advertisements --

Naniniwala rin si Senate Pres. Vicente Sotto III na nalagay sa maling konteksto ang pahayag ni Pope Francis ukol sa same-sex civil union.

Sa isang panayam sinabi ni Sotto na ang marahil ang mensahe talaga ng Santo Papa ay para sa mga pamilyang itinatakwil at masama ang trato sa kanilang mga kamag-anak na kabilang sa LGBTQIA+ community.

Para sa mambabatas, pinapaalalahanan ni Pope Francis ang bawat pamilya na tanggapin ang kanilang mahal sa buhay, sila man ay magpakatotoo sa sexual orientation at identity nila.

Nitong nakaraang linggo nang gumawa ng ingay sa buong mundo ang lumabas na pahayag ni lider ng simbahang Katolika sa isang dokumentaryo.

“Homosexual people have a right to be in a family. They are children of God and have a right to a family. Nobody should be thrown out or be made miserable over it. What we have to create is a civil union law. That way they are legally covered. I stood up for that,” ayon kay Pope Francis.

Pinayuhan ni Sotto ang publiko na intindihin ang konteksto ng sinabi ng Santo Papa.

Nilinaw niyang suportado niya ang pagsasama ng mga may parehong kasarian, at ang pangangailangan ng batas para sa karapatan ng mga nais magsama na same-sex couples. Pero ibang usapin daw ang pagpapakasal.