Kinuwestiyon ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III kung hindi nalalagay sa alanganin ang karapatan ng mga botante na pumili ng kanilang mga lokal na lider kapag muling ipinagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Inihayag ito ni Sotto sa kanyang interpellation sa panukalang batas ni Senator Francis “Chiz” Escudero na naglalayong gawing limang taon ang termino ng mga barangay at SK officials mula sa kasalukuyang apat na taon at ilipat sa Nobyembre 2028 ang susunod na BSKE.
Ayon kay Sotto, nahalal noong 2023 ang kasalukuyang barangay officials at dapat sanang magkaroon ng halalan noong 2025, ngunit ipinagpaliban ito sa Nobyembre 2026. Kung maisasagawa lamang ang halalan sa 2028, aniya, aabot sa tatlong taon ang holdover period ng incumbent officials.
Binigyang-diin din ni Sotto ang mga kasong kinakaharap ng ilang barangay officials bilang dahilan upang mapanatili ang accountability sa lokal na pamahalaan. Binanggit niya ang mga reklamong inihain laban sa ilang opisyal, kabilang ang kasong kinasasangkutan ng 12 barangay officials sa Iloilo kaugnay ng umano’y pagkaltas ng ayuda ng AICS beneficiaries.
Iginiit ni Sotto na mahalagang mabigyan ang mga botante ng pagkakataong pumili ng kanilang mga lokal na lider at mapanagot ang mga opisyal sa pamamagitan ng regular na halalan.
Samantala, iginiit ni Escudero na ang panukala ay hindi simpleng pagpapaliban ng halalan kundi pagtatakda ng limang taong termino para sa barangay at SK officials. Layunin umano nitong magkaroon ng mas malinaw at permanenteng election cycle at mas sapat na panahon para maipatupad ang mga programa sa barangay.















