Makakatanggap ng P1,500 transport allowance sa susunod na linggo ang mga mag-aaral sa pampublikong paaralan ng K-12 sa Pasig City mula sa lokal na pamahalaan, ayon yan kay Mayor Vico Sotto.
Sa isang post online, sinabi ni Sotto na ang transportation allowance ay ipapamahagi mula Setyembre 6 hanggang Setyembre 15, 2023.
Ani Sotto, mamimigay din ang pamahalaang lungsod ng mga school supplies sa kabila ng problema sa delivery.
Kabilang sa mga dahilan ng pagkaantala ng delivery ay ang disqualification ng supplier na nabigong magbigay ng tamang kalidad ng mga materyales, ayon sa alkalde.
Samantala, nagsimula na at “on track” na ang pamamahagi ng Malusog na Batang Pasigueño (MBP) package na naglalaman ng tuna, iodized salt, at vitamins.
Kasama sa programa ang pamamahagi ng gatas ngayong Setyembre at bigas ngayong semestre, ani Sotto.
Milyun-milyong mag-aaral naman sa pampublikong paaralan ang naitalang bumalik sa klase noong Martes.